10 Pinarami kayo ni Yahweh na ating Diyos, at ngayon ay sindami na tayo ng bituin sa langit.
11 Nawa'y pagpalain niya kayo, at tulad ng kanyang pangako, paramihin nawa niya kayo ng sanlibo pang ulit.
12 Ngunit paano ko pa magagampanan ang aking tungkulin sa inyo at maigagawad ang angkop na hatol para sa inyong mga usapin?
13 Kaya, pinapili ko kayo ng mga taong matalino, maunawain at may sapat na karanasan upang italaga kong tagapamahala ninyo,
14 at sumang-ayon naman kayo sa akin.
15 Kaya't pumili kayo noon ng mga lalaking kilala sa inyong mga lipi, mga lalaking may talino at sapat na karanasan. Sila'y inilagay kong tagapamahala ng bawat angkan. Ang ilan sa kanila ay naging tagapamahala sa libu-libo, sa daan-daan, sa lima-limampu, at sa sampu-sampu.
16 “Ipinagbilin ko sa kanila noon na pag-aralang mabuti ang usaping idudulog sa kanila, at igawad ang kaukulang hatol nang walang kinikilingan, maging sa katutubong Israelita o sa dayuhan man.