Deuteronomio 14 MBB05

Maling Kaugalian ng Pagluluksa

1 “Kayo ang mga anak ng Diyos ninyong si Yahweh. Kung ang isang mahal sa buhay ay mamatay, huwag ninyong hihiwaan ang inyong sarili ni aahitan ang inyong noo upang ipakita lamang na kayo'y nagluluksa.

2 Kayo ay bansang itinalaga kay Yahweh. Hinirang niya kayo sa lahat ng bansa upang maging kanyang sariling bayan.

Ang Malilinis at ang Maruruming Hayop

3 “Huwag kayong kakain ng anumang bagay na marumi.

4 Ito ang mga hayop na maaari ninyong kainin: baka, tupa, kambing,

5 usa, gacela, kambing bundok, antilope, at tupang bundok.

6 Maaari rin ninyong kainin ang lahat ng hayop na biyak ang kuko at ngumunguya ng pagkaing mula sa sikmura.

7 Ngunit huwag ninyong kakainin ang mga hayop na biyak ang kuko ngunit hindi ngumunguya ng pagkain mula sa sikmura. Huwag din ninyong kakainin iyong ngumunguya ngunit hindi biyak ang kuko, tulad ng kamelyo, kuneho, at dagang bukid. Ang mga ito ay marurumi.

8 Ang baboy ay dapat ding ituring na marumi sapagkat biyak man ang kuko, hindi naman ito ngumunguya ng pagkaing mula sa sikmura. Huwag ninyo itong kakainin ni hahawakan ang kanilang bangkay.

9 “Sa mga nilikha sa tubig, ang lahat ng may palikpik at kaliskis ay maaari ninyong kainin.

10 Huwag ninyong kakainin ang mga walang kaliskis at walang palikpik; ito ay marurumi.

11-18 “Maaari ninyong kainin ang malilinis na ibon. Ngunit ito ang mga ibon na huwag ninyong kakainin: agila, buwitre, agilang dagat; azor, falcon, at lahat ng uri ng milano; lahat ng uri ng uwak; ang ostrits, kuwago, gaviota, at lahat ng uri ng lawin; lahat ng uri ng kuwago, sisne, pelicano, buwitre, somormuho; lahat ng uri ng tagak, abudilla, kabag, at paniki.

19 “Lahat ng kulisap na may pakpak ay marurumi. Huwag ninyong kakainin ang mga ito.

20 Maaari ninyong kainin ang anumang malilinis na ibon maliban sa mga nabanggit.

21 “Huwag ninyong kakainin ang anumang hayop na basta na lamang namatay. Maaari ninyo itong ibigay o ipagbili sa mga dayuhang naninirahang kasama ninyo. Ito'y sa dahilang kayo'y sambayanang inilaan sa Diyos ninyong si Yahweh.“Huwag kayong maglalaga ng tupa o batang kambing sa gatas ng sarili nitong ina.

Ang Tuntunin Tungkol sa Ikasampung Bahagi

22 “Kukunan ninyo ng ikasampung bahagi ang inyong ani taun-taon.

23 Ang ikasampung bahagi ng inyong ani, alak, langis, at ang panganay ng inyong mga alagang hayop ay doon ninyo kakainin sa lugar na pipiliin ng Diyos ninyong si Yahweh upang siya'y inyong maparangalan.

24 Kung malayo ang lugar na pipiliin niya at magiging mahirap dalhin doon ang ikasampung bahagi ng inyong ani,

25 ipagbili ninyo iyon, at dalhin ang pinagbilhan sa lugar na pinili niya.

26 Pagdating doon, bumili kayo ng anumang gusto ninyo: baka, tupa, alak, o inuming nais ninyo at siya ninyong pagsalu-saluhang mag-anak bilang pagdiriwang sa harapan ng Diyos ninyong si Yahweh.

27 Ngunit huwag ninyong kalilimutang bigyan ang mga Levita sa inyong lugar, yamang sila'y walang kaparte sa lupaing minana ninyo.

28 “Tipunin ninyo ang ikasampung bahagi ng inyong ani tuwing ikatlong taon.

29 Ito ay ibibigay ninyo sa mga Levita yamang wala silang kaparte sa inyong lupain. Bibigyan din ninyo ang mga dayuhang kasama ninyo, ang mga ulila, at ang mga balo. Kapag ginawa ninyo ito, pagpapalain kayo ni Yahweh sa lahat ng inyong mga gawain.

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28 29 30 31 32 33 34