14 Isasama ninyo sa pagdiriwang na ito ang inyong mga anak, mga alipin, ang mga Levita, mga dayuhan, mga ulila, at mga babaing balo.
15 Pitong araw kayong magpipista sa lugar na pipiliin ni Yahweh; pagpapalain niya ang inyong mga pananim at lahat ng inyong gagawin para makapagdiwang kayong lahat.
16 “Sa loob ng isang taon, ang inyong kalalakihan ay tatlong beses haharap kay Yahweh: tuwing Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, Pista ng mga Sanlinggo, at Pista ng mga Tolda. Magdadala sila ng handog tuwing haharap,
17 ayon sa kanilang makakaya, ayon sa dami ng pagpapalang tinanggap ninyo mula kay Yahweh na inyong Diyos.
18 “Pumili kayo ng mga hukom at ng iba pang pinuno para sa bawat bayan, ayon sa inyong mga lipi. Sila ang magpapasya sa inyong mga usapin at maggagawad ng katarungan.
19 Huwag ninyong pipilipitin ang katarungan at huwag kayong magtatangi ng tao ni tatanggap ng suhol sapagkat ang suhol ay bumubulag sa matatalino at nagpapahamak sa mga taong matuwid.
20 Katarungan lamang ang inyong paiiralin, at kayo'y mabubuhay nang matagal sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos.