4 Sa loob ng pitong araw na iyon, hindi dapat magkaroon ng pampaalsa sa nasasakupan ng inyong lupain. Huwag din ninyong pababayaang umagahin ang kahit kapiraso ng inihandog ninyo sa gabi.
5 Ang paghahandog ay huwag ninyong gagawin sa loob ng inyu-inyong bayan,
6 kundi sa lugar lamang na pipiliin ni Yahweh. Ito'y iaalay ninyo paglubog ng araw, sa oras ng pag-alis ninyo noon sa Egipto.
7 Doon ninyo ito iluluto at kakainin sa lugar na pipiliin niya. Kinaumagahan, babalik na kayo sa inyu-inyong tolda.
8 Anim na araw na hindi kayo kakain ng tinapay na may pampaalsa. Sa ikapitong araw, magdaraos kayo ng banal na pagpupulong; sinuma'y huwag magtatrabaho sa araw na iyon.
9 “Pagkalipas ng pitong linggo mula sa unang araw ng paggapas,
10 ipagdiriwang ninyo ang Pista ng mga Sanlinggo. Sa araw na iyon, dalhin ninyo kay Yahweh na inyong Diyos ang inyong kusang handog mula sa inyong ani, ayon sa dami ng pagpapala niya sa inyo.