14 “Huwag ninyong ipagkakait ang kaukulang bayad sa inyong mahihirap at nangangailangang manggagawa, maging siya ma'y kapwa Israelita o dayuhan na nakikipamayan sa inyo.
15 Bago lumubog ang araw, ibigay na ninyo sa kanya ang sweldo niya para sa maghapon sapagkat iyon lamang ang inaasahan niya sa buhay. Kapag hindi ninyo ibinigay agad, at dumaing siya kay Yahweh, iyon ay pananagutan ninyo.
16 “Hindi dapat parusahan ng kamatayan ang mga magulang dahil sa krimeng nagawa ng anak ni ang anak dahil sa krimeng nagawa ng magulang; ang mismong may sala lamang ang siyang dapat patayin.
17 “Huwag ninyong pagkakaitan ng katarungan ang mga dayuhan o ang mga ulila. Huwag din ninyong kukuning sangla ang balabal ng babaing balo.
18 Iniuutos ko ito sa inyo sapagkat dapat ninyong alalahaning naging alipin din kayo sa Egipto at iniligtas kayo roon ng Diyos ninyong si Yahweh.
19 “Kung sa pagliligpit ng ani ay may maiwan kayong mga uhay, huwag na ninyong babalikan iyon; hayaan na ninyong mapulot iyon ng mga dayuhan, ulila at mga biyuda. Sa ganoon, pagpapalain kayo ni Yahweh sa lahat ninyong gawain.
20 Kapag napitasan na ninyong minsan ang inyong mga olibo, huwag na ninyong babalikan ang natira; hayaan na ninyo iyon sa mga dayuhan, ulila at mga biyuda.