30 “Ito ang magiging palatandaan ninyo: Sa taóng ito, ang kakainin ninyo'y bunga ng halamang dati nang nakatanim. Sa susunod na taon, ang kakainin ninyo'y ang ani sa tutubong supling ng halamang iyon. Ngunit sa ikatlong taon, magtatanim na kayo ng panibago, at ang kakainin ninyo'y ang ibubunga nito.
31 Ang mga nalabi sa Juda ay parang halamang muling mag-uugat at mamumunga,
32 sapagkat may malalabi mula sa Jerusalem, at may maliligtas mula sa Bundok ng Zion. Mangyayari ito dahil kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
33 “Kaya ito ang pasya ni Yahweh tungkol sa hari ng Asiria: Hindi siya makakalapit sa lunsod na ito; ni isang palaso ay hindi niya magagamit laban dito. Hindi siya makakalapit na may sandata o makakapagtayo ng tanggulan upang ito'y kubkubin.
34 Saan man siya magdaan papunta dito, doon rin siya daraang pabalik. Hindi na siya makakapasok sa lunsod na ito. Sapagkat ganito ang sinasabi ni Yahweh.
35 ‘Ipagtatanggol ko at ililigtas ang lunsod na ito alang-alang sa akin at sa lingkod kong si David.’”
36 Nang gabing iyon, pinatay ng anghel ni Yahweh ang may 185,000 kawal na taga-Asiria sa loob mismo ng kanilang kampo. Kinaumagahan, naghambalang sa kampo nila ang mga bangkay.