8 Sila'y sinalakay niya at marami ang kanyang napatay. Pagkatapos, umalis siya at tumira muna sa yungib ng Etam.
9 Isang araw, kinubkob ng mga Filisteo ang Juda at sinalakay ang bayan ng Lehi.
10 Nagtanong ang mga taga-Juda, “Bakit ninyo kami sinasalakay?”“Upang hulihin si Samson at gawin sa kanya ang ginawa niya sa amin,” sagot nila.
11 Kaya't ang tatlong libong kalalakihan ng Juda ay nagpunta sa yungib sa Etam. Tinanong nila si Samson, “Hindi mo ba alam na tayo'y sakop ng mga Filisteo? Bakit mo ginawa ito sa kanila? Pati kami'y nadadamay!”“Ginantihan ko lang sila sa ginawa nila sa akin,” sagot niya.
12 Sinabi nila, “Naparito kami para gapusin ka! Isusuko ka namin sa mga Filisteo.”Sumagot si Samson, “Payag ako kung ipapangako ninyong hindi ninyo ako papatayin.”
13 Sinabi nila, “Hindi ka namin papatayin. Gagapusin ka lang namin at ibibigay sa kanila.” Kaya't siya'y ginapos nila ng dalawang bagong lubid at inilabas sa yungib.
14 Pagdating nila sa Lehi, sinalubong sila ng naghihiyawang mga Filisteo. Ngunit si Samson ay pinalakas ng Espiritu ni Yahweh at ang kanyang gapos ay pinatid niya na para lamang nasusunog na sinulid.