Mga Hukom 2 MBB05

Nagpunta sa Boquim ang Anghel ni Yahweh

1 Mula sa Gilgal, nagpunta sa Boquim ang anghel ni Yahweh. Sinabi niya sa mga Israelita, “Inilabas ko kayo sa Egipto at dinala sa lupain na aking ipinangako sa inyong mga ninuno. Sinabi ko noon na hindi ako sisira sa ating kasunduan.

2 Sinabi ko ring huwag kayong gagawa ng kasunduan sa mga tagaroon, sa halip ay gibain ninyo ang kanilang mga altar. Ngunit ano ang inyong ginawa? Hindi ninyo ako sinunod!

3 Kaya ngayon, hindi ko sila paaalisin sa lupaing pupuntahan ninyo. Magiging tinik sila sa inyong landas at ang mga diyus-diyosan nila ay magiging mabigat na pagsubok sa inyo.”

4 Matapos sabihin ito ng anghel ni Yahweh, nag-iyakan ang mga Israelita.

5 Kaya, tinawag nilang Boquim ang lugar na iyon, at naghandog sila roon kay Yahweh.

Ang Pagkamatay ni Josue

6-10 Pinalakad na ni Josue ang mga Israelita at kanila ngang tinirhan ang mga lupaing nakatalaga para sa kanila. Si Josue ay namatay sa edad na 110 taon at inilibing siya sa Timnat-heres, isang lugar na sakop ng kanyang lupain sa kaburulan ng Efraim, sa gawing hilaga ng Bundok Gaas. Namatay rin ang buong salinlahing kasabayan ni Josue. Naglingkod nang tapat kay Yahweh ang mga Israelita habang nabubuhay si Josue at ang mga pinunong nakasaksi sa mga kahanga-hangang bagay na ginawa ni Yahweh para sa Israel. Subalit ang sumunod na salinlahi ay nakalimot kay Yahweh at sa lahat ng ginawa niya para sa Israel.

Tumigil ang Israel sa Paglilingkod kay Yahweh

11 Ang mga Israelita ay gumawa ng kasamaan laban kay Yahweh at sumamba sila sa mga Baal.

12 Tinalikuran nila si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, na nagligtas sa kanila sa Egipto. Naglingkod sila at sumamba sa mga diyus-diyosan ng mga bayan sa kanilang paligid. Kaya nagalit sa kanila si Yahweh.

13 Itinakwil nila si Yahweh at naglingkod sa mga Baal at kay Astarot.

14 Dahil dito, nagalit si Yahweh sa Israel at sila'y hinayaan niyang matalo ng kaaway at samsaman ng ari-arian.

15 Tuwing makikipagdigma sila, hindi na sila tinutulungan ni Yahweh tulad ng kanyang babala. Kaya't wala silang kapanatagan.

16 Dahil dito, ang Israel ay binigyan ni Yahweh ng mga hukom na siyang magliligtas sa kanila sa kamay ng mga mananakop.

17 Ngunit hindi rin nila sinunod ang mga hukom na ito. Tinalikuran ng mga Israelita si Yahweh. Ang katapatan ng kanilang mga ninuno kay Yahweh ay hindi nila pinamarisan.

18 Lahat naman ng hukom na isinugo ni Yahweh ay pinatnubayan niya at iniligtas niya ang Israel sa mga kaaway habang nabubuhay ang hukom. Kinaawaan sila ni Yahweh dahil sa kanilang mga daing bunga ng hirap na dinaranas nila.

19 Ngunit pagkamatay ng hukom, muli na namang sumasamba sa mga diyus-diyosan ang mga Israelita. Higit pa sa kasamaan ng kanilang mga ninuno ang kanilang ginagawa; hindi nila maiwan ang kanilang masasamang gawain at katigasan ng ulo.

20 Kaya, lalong nagalit si Yahweh sa kanila. Sinabi niya, “Sumira ang mga Israelita sa kasunduang ibinigay ko sa kanilang mga ninuno. Dahil sa pagsuway nila sa akin,

21 hindi ko na palalayasin ang natitira pang Cananeo sa lupaing iniwan sa kanila ni Josue nang siya'y namatay.

22 Sa pamamagitan ng mga bansang ito, masusubok ko kung ang Israel ay susunod sa aking mga utos, tulad ng kanilang mga ninuno.”

23 Kaya, hindi agad pinaalis ni Yahweh ang mga tao sa mga lupaing hindi nasakop ng mga Israelita noong buháy pa si Josue.

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21