4 Noon, ang babaing propeta na si Debora, asawa ni Lapidot, ay nagsisilbing hukom ng Israel.
5 Nakaugalian na niyang maupo sa ilalim ng puno ng palmera sa kaburulan ng Efraim, sa pagitan ng Rama at Bethel. Pinupuntahan siya rito ng mga tao upang magpasya sa kanilang mga usapin.
6 Isang araw, ipinatawag niya si Barak na anak ni Abinoam na taga-Kades, mula sa lipi ni Neftali. Sinabi niya rito, “Ipinag-uutos sa iyo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, na pumili ka ng sampung libong kawal mula sa lipi nina Neftali at Zebulun. Isama mo sila sa Bundok ng Tabor.
7 Lalabanan ninyo sa may Ilog Kison ang pangkat ni Sisera, ang pinuno ng hukbo ni Jabin. Ngunit pagtatagumpayin kita laban sa kanya.”
8 Sumagot si Barak, “Pupunta ako kung kasama ka. Ngunit kung hindi ka sasama, hindi ako pupunta.”
9 Sinabi ni Debora, “Kung gayon, sasama ako, ngunit wala kang makukuhang karangalan sapagkat si Sisera ay ibibigay ni Yahweh sa kamay ng isang babae.” Sumama nga si Debora kay Barak.
10 Nanawagan si Barak sa lipi nina Neftali at Zebulun, at sampung libong kalalakihan ang sumunod sa kanya. Sumama rin sa kanya si Debora.