1 Ang mga kawikaan ni Solomon na anak ni David, hari ng Israel.
2 Sa pamamagitan nito, ang tao'y magtatamo ng karunungan at pang-unawa sa mga salitang puno ng aral sa buhay.
3 Itinuturo nito ang matuwid na paraan ng pamumuhay, katuwiran, katarungan, at katapatan.
4 Mabibigyan nito ng talino ang mga walang karanasan, at ang mga kabataa'y matuturuang magpasya nang tama.
5 Sa pamamagitan nito, lalong tatalino ang matalino at magiging dalubhasa ang kakaunti ang kaalaman.
6 Sa gayon, lubos nilang mauunawaan ang mga kawikaan, gayon din ang palaisipan ng mga marurunong.
7 Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay pasimula ng karunungan,ngunit walang halaga sa mga mangmang ang aral at mga saway.
8 Anak ko, dinggin mo ang aral ng iyong ama,at huwag ipagwalang-bahala ang turo ng iyong ina;
9 sapagkat ang mga iyon ay parang korona sa iyong ulo,parang kuwintas na may dalang karangalan.
10 Aking anak, sakali mang akitin ka ng mga makasalanan,huwag kang papayag, tanggihan mo sila.
11 Kung sabihin nilang, “Halika't tayo ay mag-abang,bilang katuwaa'y daluhungin ang mga walang malay.
12 Sila'y ating dudumugi't walang awang papatayin,at sila ay matutulad sa patay na ililibing.
13 Ating sasamsamin ang lahat nilang kagamitan,bahay nati'y mapupuno ng malaking kayamanan.
14 Halika at sa amin ikaw nga ay sumama,lahat ng masasamsam, bibigyan ang bawat isa.”
15 Aking anak, sa kanila ay iwasan mong makisama,umiba ka ng landas mo, papalayo sa kanila.
16 Ang lagi nilang hangad, gumawa ng kasamaan,sa tuwina ang bisig ay nakahanda sa pagpatay.
17 Sa pag-uumang ng bitag ay walang mangyayari,kung nakikita ng ibon na nais mo siyang mahuli.
18 Ngunit hindi nalalaman ng mga taong iyon,bitag nila ang sisilo sa sarili nilang ulo.
19 Ganyan ang uuwian ng nabubuhay sa karahasan,sa ganyan nga magwawakas ang masamang pamumuhay.
20 Karununga'y umaalingawngaw sa mataong lansangan,tinig niya'y nangingibabaw sa lugar ng pamilihan.
21 Ito'y lumalampas sa mataas na mga muog,ang ugong niya'y naririnig sa pintuan nitong lunsod:
22 “Taong mangmang, walang hustong kaalaman,hanggang kailan ka tatagal sa abâ mong kalagayan?Hanggang kailan ka mananatili sa iyong kamangmangan?Kailan mo pa iisiping maghanap ng kaalaman?
23 Ang payo ko ay pakinggan n'yo at dinggin ang aking pangaral;sasainyo ang diwa ko at ang aking kaalaman.
24 Patuloy nga itong mga panawagan ko sa inyo,ngunit hindi ninyo pansin pati mga saway ko.
25 Winalang-bahala n'yo ang aking mga payo,ayaw ninyong bigyang pansin, paalala ko sa inyo.
26 Dahil dito, kayo'y aking tatawanan,kapag kayo'y napahamak, nasadlak sa kaguluhan.
27 Kapag kayo ay hinampas ng bagyo nitong buhay,dinatnan ng kahirapan, ipu-ipo ang larawan,at kung datnan kayo ng hapis at matinding dalamhati,
28 sa araw na iyon ay di ko papakinggan ang inyong panawagan.Hahanapin ninyo ako ngunit hindi masusumpungan.
29 Pagkat itong karunungan ay di ninyo pinahahalagahan,kay Yahweh ay di sumunod nang may lakip na paggalang.
30 Inyo pa ngang tinanggihan itong aking mga payo,itinapong parang dumi itong paalala ko.
31 Kaya nga, inyong aanihin ang bunga ng inyong gawa,at kayo ay uusigin ng inyong pagnanasang ubod sama.
32 Katigasan ng ulo ang papatay sa mangmang,sa dusa ay masasadlak sa kawalan ng kaalaman.
33 Ngunit ang makinig sa akin, mananahan nang tiwasay,mabubuhay nang payapa, walang katatakutan.”