1 Mga anak, isinusulat ko ito sa inyo upang huwag kayong magkasala. Ngunit kung magkasala ang sinuman, may Tagapagtanggol tayo sa Ama, si Jesu-Cristo, na isang matuwid.
2 Si Cristo ang handog sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan, hindi lamang ang ating mga kasalanan, kundi maging ang kasalanan ng lahat ng tao.
3 Nakakatiyak tayong nakikilala natin ang Diyos kung sinusunod natin ang kanyang mga utos.
4 Ang nagsasabing, “Nakikilala ko siya,” ngunit hindi naman sumusunod sa kanyang mga utos ay sinungaling, at wala sa kanya ang katotohanan.
5 Ngunit ang tumutupad sa salita ng Diyos ay umiibig nang wagas sa Diyos. Sa ganito, nalalaman natin na tayo'y talagang nasa kanya.