18 Una sa lahat, nabalitaan ko na kayo'y nagpapangkat-pangkat sa inyong pagtitipon, at ako'y naniniwalang may katotohanan iyan.
19 Kailangan ngang magkabukud-bukod kayo upang makilala kung sinu-sino sa inyo ang mga tapat.
20 Kaya't sa inyong pagtitipon, hindi Banal na Hapunan ng Panginoon ang kinakain ninyo.
21 Sapagkat ang bawat isa sa inyo'y nagmamadali sa pagkain ng kanyang baong pagkain, kaya't nagugutom ang iba at ang iba nama'y nalalasing.
22 Wala ba kayong sariling bahay upang doon kumain at uminom? O hinahamak ninyo ang iglesya ng Diyos at hinihiya ang mahihirap? Ano ang gagawin ko ngayon? Ipagmamalaki ko ba kayo dahil sa bagay na iyon? Hinding-hindi ko gagawin iyon!
23 Ito ang katuruang tinanggap ko sa Panginoon at ibinigay ko naman sa inyo: noong gabing siya'y ipagkanulo, ang Panginoong Jesus ay dumampot ng tinapay,
24 nagpasalamat at pinagpira-piraso iyon, at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin.”