11 Hanggang sa oras na ito, kami'y nagugutom, nauuhaw, at halos hubad; kami'y pinapahirapan at walang matirhan.
12 Nagpapakahirap kami at nagbabanat ng buto para kumita ng ikabubuhay. Idinadalangin namin ang mga lumalait sa amin; kapag kami'y inuusig, tinitiis din namin iyon.
13 Malumanay kaming sumasagot sa mga naninira sa amin. Hanggang ngayon, kami'y parang maruming basahan, pinakahamak sa lahat ng tao sa mundo.
14 Ito'y isinusulat ko, hindi upang hiyain kayo, kundi upang pangaralan bilang minamahal kong mga anak.
15 Kahit magkaroon pa kayo ng sampung libong tagapagturo sa pamumuhay Cristiano, iisa lamang ang inyong ama. Sapagkat kayo'y naging mga anak ko sa pananampalataya kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng Magandang Balitang ipinangaral ko sa inyo.
16 Kaya't isinasamo ko sa inyo, tularan ninyo ako.
17 Dahil dito, pinapunta ko riyan si Timoteo, ang aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon. Paaalalahanan niya kayo tungkol sa mga prinsipyo ko sa buhay sa pagsunod kay Cristo Jesus. Ang mga prinsipyo ring iyan ang itinuturo ko sa bawat iglesya sa lahat ng dako.