8 Kayo pala'y nasisiyahan na! Mayayaman na pala kayo! Kayo pala'y naghahari na kahit hindi kami tumulong sa inyo. Sana nga'y naging hari na kayo upang kami man ay maghari ding kasama ninyo.
9 Sa palagay ko, kaming mga apostol ang ginawa ng Diyos na pinakahamak sa lahat ng tao. Ang katulad namin ay mga taong nahatulan ng kamatayan; isang panoorin para sa sanlibutan, ng mga anghel at ng mga tao.
10 Kami'y mga hangal alang-alang kay Cristo; kayo nama'y marurunong dahil kay Cristo! Mahihina kami; kayo nama'y malalakas. Hinahamak kami; kayo nama'y pinaparangalan!
11 Hanggang sa oras na ito, kami'y nagugutom, nauuhaw, at halos hubad; kami'y pinapahirapan at walang matirhan.
12 Nagpapakahirap kami at nagbabanat ng buto para kumita ng ikabubuhay. Idinadalangin namin ang mga lumalait sa amin; kapag kami'y inuusig, tinitiis din namin iyon.
13 Malumanay kaming sumasagot sa mga naninira sa amin. Hanggang ngayon, kami'y parang maruming basahan, pinakahamak sa lahat ng tao sa mundo.
14 Ito'y isinusulat ko, hindi upang hiyain kayo, kundi upang pangaralan bilang minamahal kong mga anak.