21 Sa piling naman ng mga Hentil, na hindi saklaw ng Kautusan ni Moises, ako'y naging parang Hentil upang sila'y mahikayat ko rin. Subalit hindi ito nangangahulugang hindi ko sinusunod ang mga utos ng Diyos, sapagkat ako'y nasa ilalim ng kautusan ni Cristo.
22 Sa piling ng mahihina sa pananampalataya, ako'y naging parang mahina rin upang mahikayat ko sila. Ako'y nakibagay sa lahat ng tao upang sa lahat ng paraan ay makapagligtas ako ng kahit ilan man lamang.
23 Ginagawa ko ang lahat ng ito alang-alang sa Magandang Balita, upang makabahagi ako sa mga pagpapala nito.
24 Alam ninyong ang mga kalahok sa paligsahan ay tumatakbong lahat, ngunit iisa lamang ang nagkakamit ng gantimpala! Kaya't pagbutihin ninyo ang pagtakbo upang kamtan ninyo ang gantimpala.
25 Lahat ng manlalarong nagsasanay ay may disiplina sa lahat ng bagay upang magkamit ng isang gantimpalang panandalian lamang. Ngunit ang gantimpalang hinahangad natin ay panghabang panahon.
26 Hindi ako tumatakbo nang walang patutunguhan at hindi ako sumusuntok sa hangin.
27 Subalit sinasanay ko at sinusupil ang aking katawan, upang sa gayo'y hindi ako maalis sa paligsahan pagkatapos kong mangaral sa iba.