3 Gagawin ko ito upang patunayan sa inyong si Cristo ay nagsasalita sa pamamagitan ko. Hindi siya mahina sa pakikitungo sa inyo, kundi makapangyarihan.
4 Kahit na siya'y mahina nang ipako sa krus, nabubuhay siya ngayon sa kapangyarihan ng Diyos. Dahil sa pakikipag-isa namin sa kanya, kami'y mahina rin, ngunit sa pakikitungo sa inyo, kami ay nabubuhay na kasama niya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.
5 Subukin ninyo ang inyong mga sarili kung kayo'y namumuhay ayon sa pananampalataya. Suriin ninyo ang inyong sarili. Hindi ba ninyo nalalamang nasa inyo si Cristo Jesus? Maliban na lang kung kayo'y mga bigo sa pagsubok.
6 Umaasa akong makikita rin ninyo na hindi kami bigo.
7 Idinadalangin namin sa Diyos na sana'y huwag kayong gumawa ng masama, hindi upang palabasing kami'y tama, kundi upang makagawa kayo ng mabuti, kahit lumitaw na kami'y mali.
8 Sapagkat hindi namin maaaring kalabanin ang katotohanan; wala kaming magagawa kundi tanggapin ito.
9 Kami'y nagagalak na maging mahihina kung kayo naman ay lalakas. Kaya't idinadalangin rin naming kayo'y maging ganap.