9 Inuusig kami, ngunit hindi kami pinababayaan ng Panginoon. Napapabagsak kami, ngunit di tuluyang napapatay.
10 Lagi naming taglay sa aming katawan ang kamatayan ni Jesus, upang sa pamamagitan ng aming katawan ay mahayag ang kanyang buhay.
11 Habang kami'y nabubuhay, lagi kaming nabibingit sa kamatayan alang-alang kay Jesus upang sa aming katawang may kamatayan ay mahayag ang kanyang buhay.
12 At habang kami'y dahan-dahang namamatay, kayo nama'y nagkakaroon ng buhay.
13 Sinasabi ng kasulatan, “Nagsalita ako sapagkat ako'y sumampalataya.” Sa ganoon ding diwa ng pananampalataya, nagsasalita kami dahil kami'y sumasampalataya.
14 Sapagkat alam naming ang Diyos na muling bumuhay sa Panginoong Jesus ay siya ring bubuhay sa amin kasama si Jesus, at magdadala sa atin sa kanyang piling.
15 Ang lahat ng pagtitiis ko ay para sa kapakanan ninyo upang sa pagdami ng mga nakakatanggap ng mga kaloob ng Diyos, lalo pang dumami ang magpapasalamat at magpupuri sa kanya.