1 Mga kapatid, nais naming malaman ninyo ang ipinakitang kagandahang-loob ng Diyos sa mga iglesya sa Macedonia.
2 Dumanas sila ng matinding kahirapan at ito'y isang mahigpit na pagsubok sa kanila. Ngunit sa kabila ng kanilang paghihikahos, masayang-masaya pa rin sila at bukás ang palad sa pagbibigay.
3 Sila'y kusang-loob na nagbigay, hindi lamang sa abot ng kanilang kaya, kundi higit pa. Alam ko ito sapagkat
4 mahigpit nilang ipinakiusap sa amin na sila'y bigyan ng pagkakataong makatulong sa mga kapatiran na taga-Jerusalem.
5 At higit sa inaasahan namin, inilaan nila ang kanilang sarili, una sa Panginoon, at pagkatapos, sa amin, ayon sa kalooban ng Diyos.