12 Napakalaking kahihiyan at kasiraang-puri ang sila'y makasama ninyo sa mga salu-salong pangmagkakapatid. Wala silang iniintindi kundi ang kanilang sarili. Para silang mga ulap na tinatangay ng hangin ngunit di nagdadala ng ulan; mga punongkahoy na binunot na pati ugat at talagang patay na dahil hindi namumunga kahit sa kapanahunan.
13 Sila'y mga alon sa dagat na ang bula ay ang kanilang mga gawang kahiya-hiya; mga ligaw na bituin na nakalaan sa kadiliman magpakailanman.
14 Tungkol din sa kanila ang pahayag ni Enoc, na kabilang sa ikapitong salinlahi mula kay Adan. Sinabi niya, “Tingnan ninyo! Dumarating na ang Panginoon kasama ang kanyang libu-libong mga anghel
15 upang hatulan silang lahat. Paparusahan niya ang lahat ng ayaw kumilala sa Diyos dahil sa kanilang mga kasamaan at paglapastangan sa Diyos!”
16 Ang mga taong ito'y walang kasiyahan, mapamintas, alipin ng kanilang masasamang nasa, mga mayayabang, at sanay na sanay manloko para makuha ang gusto nila.
17 Mga minamahal, alalahanin ninyo ang sinabi ng mga apostol ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
18 Noon pa'y sinabi na nila sa inyo, “Sa huling panahon, may lilitaw na mga taong mapanlait at alipin ng masasamang nasa ng laman.”