Judas 1:2-8 RTPV05

2 Sumagana nawa sa inyo ang pagpapala, kapayapaan at pag-ibig.

3 Mga minamahal, ang nais ko sanang isulat sa inyo'y ang tungkol sa kaligtasang tinatamasa nating lahat, ngunit nakita kong ang kailangang isulat sa inyo'y isang panawagan na inyong panindigan ang pananampalatayang ipinagkaloob minsan at magpakailanman sa mga banal,

4 sapagkat lihim na nakapasok sa inyong samahan ang ilang taong ayaw kumilala sa Diyos. Binabaluktot nila ang aral tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos upang mabigyang katuwiran ang kanilang kahalayan. Ayaw nilang kilalanin si Jesu-Cristo, ang ating kaisa-isang Pinuno at Panginoon. Noon pa mang una, sinabi na ng kasulatan ang parusang nakalaan sa kanila.

5 Kahit na alam na ninyo ang lahat ng ito, nais ko pa ring ipaalala sa inyo na matapos iligtas ng Panginoon ang bansang Israel sa lupain ng Egipto, pinuksa niya ang mga taong hindi nananalig sa kanya.

6 Alalahanin din ninyo ang mga anghel na hindi nanatili sa kanilang dating kalagayan at kapangyarihan, sa halip ay iniwan ang kanilang tahanan. Kaya't sila'y ginapos ng Diyos ng di mapapatid na tanikala at ibinilanggo sa pusod ng kadiliman, hanggang sa sila'y hatulan sa dakilang Araw ng Paghuhukom.

7 Alalahanin din ninyo na ang Sodoma at Gomorra at mga karatig-lunsod ay nalulong sa kahalayan at di karaniwang pagnanasa ng laman, kaya't sila'y pinarusahan sa apoy na di namamatay bilang babala sa lahat.

8 Ganyan din ang mga taong ito, dahil sa kanilang mga pangitain ay dinudungisan nila ang kanilang sariling katawan, hinahamak nila ang kapangyarihan ng Diyos at nilalait ang mariringal na anghel.