5 Kahit na alam na ninyo ang lahat ng ito, nais ko pa ring ipaalala sa inyo na matapos iligtas ng Panginoon ang bansang Israel sa lupain ng Egipto, pinuksa niya ang mga taong hindi nananalig sa kanya.
6 Alalahanin din ninyo ang mga anghel na hindi nanatili sa kanilang dating kalagayan at kapangyarihan, sa halip ay iniwan ang kanilang tahanan. Kaya't sila'y ginapos ng Diyos ng di mapapatid na tanikala at ibinilanggo sa pusod ng kadiliman, hanggang sa sila'y hatulan sa dakilang Araw ng Paghuhukom.
7 Alalahanin din ninyo na ang Sodoma at Gomorra at mga karatig-lunsod ay nalulong sa kahalayan at di karaniwang pagnanasa ng laman, kaya't sila'y pinarusahan sa apoy na di namamatay bilang babala sa lahat.
8 Ganyan din ang mga taong ito, dahil sa kanilang mga pangitain ay dinudungisan nila ang kanilang sariling katawan, hinahamak nila ang kapangyarihan ng Diyos at nilalait ang mariringal na anghel.
9 Kahit si Miguel na pinuno ng mga anghel, nang makipagtalo siya sa diyablo tungkol sa bangkay ni Moises, ay hindi nangahas gumamit ng paglapastangan. Ang tanging sinabi niya ay “Parusahan ka nawa ng Panginoon!”
10 Ngunit nilalapastangan ng mga taong ito ang anumang di nila nauunawaan. Sila ay tulad ng mga hayop na ang sinusunod lamang ay ang kanilang damdamin, na siya namang magpapahamak sa kanila.
11 Kaawa-awa sila! Kakila-kilabot ang sasapitin nila sapagkat sumunod sila sa halimbawa ni Cain. Tulad ni Balaam, hindi sila nag-atubiling gumawa ng kamalian dahil lamang sa salapi. Naghimagsik silang tulad ni Korah, kaya't sila'y namatay ding katulad niya.