11 Hindi ko sinasabi ito dahil sa kayo'y pinaghahanapan ko ng tulong. Natutunan ko nang masiyahan, maging anuman ang aking kalagayan.
12 Naranasan ko na ang maghikahos; naranasan ko na rin ang managana; natutuhan ko na ang sikreto kung paano masiyahan sa anumang kalagayan sa buhay, ang mabusog o ang magutom, ang managana o ang maghirap.
13 Ang lahat ng ito'y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Cristo.
14 Gayunman, ikinagagalak ko ang ginawa ninyong pagtulong sa aking mga paghihirap.
15 Alam naman ninyo, mga taga-Filipos, na kayo lamang ang iglesyang nakahati ko sa hirap at ginhawa nang umalis ako sa Macedonia noong ako'y nagsisimula pa lamang sa pangangaral ng Magandang Balita.
16 Noong ako'y nasa Tesalonica na, makailang ulit ding pinadalhan ninyo ako ng tulong.
17 Hindi sa hangad kong laging tumanggap ng mga kaloob, kundi ang nais ko ay makatanggap kayo ng masaganang gantimpala.