11 At bawat kawal ay tumayo sa kanya-kanyang lugar at nakahanda sa anumang mangyayari. Ang iba'y sa gawing timog, ang iba'y sa hilaga, sa paligid ng altar at ng tirahan ng hari.
12 Inilabas ni Joiada ang prinsipe. Kinoronahan niya ito, iniabot ang aklat ng Kautusan, binuhusan ng langis, at ipinahayag na hari. Pagkatapos, nagpalakpakan sila at nagsigawan: “Mabuhay ang hari!”
13 Nang marinig ni Atalia ang ingay ng mga bantay at ng taong-bayan, pinuntahan niya ang mga ito sa Templo ni Yahweh.
14 Pagdating doon, nakita niyang nakatindig ang hari sa tabi ng isang haligi sa harapan ng Templo, tulad ng kaugalian. Ang mga opisyal at ang mga taga-ihip ng trumpeta ay nakatayo sa tabi ng hari. Ang buong bayan naman ay di magkamayaw sa galak at walang malamang gawin sa pag-ihip ng kanilang trumpeta. Nang makita ito ni Atalia, sinira niya ang kanyang kasuotan at malakas na sinabi, “Ito'y isang malaking kataksilan!”
15 Iniutos ng paring si Joiada sa mga opisyal ng hukbo, “Ilabas ang babaing iyan at patayin pati ang sinumang magtatangkang magligtas sa kanya. Ngunit huwag ninyo silang papatayin sa loob ng Templo ni Yahweh.”
16 Siya'y sinunggaban nila, inilabas sa daanan ng mga kabayo ng hari, papasok sa palasyo at doon pinatay.
17 Pagkatapos, pinanumpa ni Joiada si Haring Joas at ang taong-bayan na maging tapat bilang sambayanan ni Yahweh. Pinanumpa rin niya sa isang kasunduan ang hari at ang sambayanan.