1 Nang ikalabimpitong taon ng paghahari ni Peka na anak ni Remalias sa Israel, si Ahaz na anak ni Jotam ay naging hari ng Juda.
2 Dalawampung taóng gulang siya nang maghari sa Jerusalem. Naghari siya sa loob ng labing-anim na taon. Hindi siya naging kalugud-lugod sa Diyos niyang si Yahweh sapagkat hindi niya sinundan ang mabuting halimbawa ng kanyang ninunong si David,
3 sa halip ang sinundan niya ay ang masamang halimbawa ng mga naging hari ng Israel. Ipinasunog pa niya bilang handog ang anak niyang lalaki. Ito'y isang kasuklam-suklam na gawain ng mga bansang pinalayas ni Yahweh sa mga Israelita.
4 Nagdala siya ng mga handog at nagsunog ng insenso sa mga dambana ng mga diyus-diyosan, sa mga burol, at sa bawat lilim ng mga punongkahoy.
5 Ang Juda ay sinalakay ni Haring Rezin ng Siria at ni Haring Peka ng Israel. Kinubkob nila ang Jerusalem ngunit hindi nila ito magapi.
6 Nang panahong iyon, ang Elat ay nabawi ng hari ng Edom; naitaboy nila ang mga taga-Juda. Mula noon, ang mga taga-Edom na ang tumira roon.