11 Ginawa naman ni Urias ang altar ayon sa plano ni Haring Ahaz at ito'y ipinatapos niya bago makabalik ang hari.
12 Pagdating ng hari mula sa Damasco, pinagmasdan nito ang altar. Nilapitan niya ito, umakyat siya sa mga baytang
13 at nagsunog ng handog. Inilagay rin niya rito ang handog na pagkaing butil, ibinuhos ang handog na inumin at iwinisik ang dugo ng handog pangkapayapaan.
14 At ang dating altar na tanso sa harap ng Templo ay ipinalipat niya sa gawing hilaga ng bagong altar.
15 Sinabi niya sa paring si Urias, “Lahat ng handog ay sa malaking altar: ang handog na hayop sa umaga at ang handog na pagkaing butil sa gabi, ang hayop at butil na handog ng hari pati ang gayunding mga handog ng mga tao, ang handog na inumin ng mga tao, at ang dugo ng lahat ng handog pangkapayapaan at ng mga hain. Ang altar na tanso naman ay gagamitin ko sa paghahandog na kailangan sa pagsangguni sa mga diyos.”
16 Lahat ng utos ni Haring Ahaz ay sinunod ng paring si Urias.
17 Sinira ni Haring Ahaz ang mga patungang tanso at inalis ang mga palangganang naroon. Inalis din niya ang malaking tangke na yari sa tanso sa patungan nitong mga bakang tanso at inilipat sa isang patungang bato.