1 Nang ikatlong taon ng paghahari sa Israel ni Oseas na anak ni Ela, naging hari naman ng Juda si Ezequias na anak ni Ahaz.
2 Siya'y dalawampu't limang taóng gulang noon at dalawampu't siyam na taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang ina niya ay si Abi na anak ni Zacarias.
3 Naging kalugud-lugod siya kay Yahweh sapagkat sumunod siya sa mabuting halimbawa ng ninuno niyang si David.
4 Ipinagiba niya ang mga dambana sa mga sagradong burol at ipinasira ang mga sinasambang haligi, pati ang rebulto ni Ashera. Dinurog din niya ang tansong ahas na ginawa ni Moises na kung tawagin ay Nehustan sapagkat hanggang sa panahong iyon ay pinagsusunugan pa nila ito ng insenso.