6 Nanatili siyang tapat kay Yahweh at naging masunurin sa kautusang ibinigay ni Yahweh kay Moises
7 kaya't pinatnubayan siya ni Yahweh at nagtagumpay siya sa kanyang mga gawain. Naghimagsik siya sa hari ng Asiria at tumangging pasakop dito.
8 Natalo niya ang mga Filisteo hanggang sa Gaza at sinakop ang lahat ng bayan sa paligid nito, mula sa pinakamaliit na nayon hanggang sa pinakamalaking lunsod.
9 Nang ikaapat na taon ng paghahari ni Ezequias at ikapito naman ni Oseas sa Israel, kinubkob ni Haring Salmaneser ng Asiria ang Samaria,
10 at nasakop ito pagkaraan ng tatlong taóng pagkubkob. Noon ay ikaanim na taon ng paghahari ni Ezequias at ikasiyam naman ni Oseas sa Israel.
11 Ang mga Israelita ay binihag ng hari ng Asiria, dinala sa Asiria at pinatira sa Hala, sa Ilog Habor, na nasa Gozan at sa mga lunsod ng Medes.
12 Nangyari ito sa kanila sapagkat sinuway nila si Yahweh na kanilang Diyos at sinira ang kasunduang ginawa sa kanila sa pamamagitan ni Moises na lingkod ni Yahweh.