31 May makakaligtas sa Jerusalem, may matitirang buháy sa Zion. Sapagkat ito ang gustong mangyari ni Yahweh.”
32 Ito naman ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa hari ng Asiria: “Hindi siya makakapasok sa lunsod na ito ni makakatudla kahit isang palaso. Hindi niya ito malulusob ni mapapaligiran.
33 Kung paano siya dumating, ganoon din siya aalis. Hindi niya masasakop ang lunsod na ito.
34 Ipagtatanggol ko at ililigtas ang lunsod na ito alang-alang sa aking karangalan at alang-alang sa aking pangako kay David na aking lingkod.”
35 Nang gabing iyon, pinasok ng anghel ni Yahweh ang kampo ng mga taga-Asiria at 185,000 kawal ang pinatay nito. Kinabukasan, nang bumangon ang mga hindi napatay, nakita nilang naghambalang ang mga bangkay.
36 Kaya nagmamadaling umuwi sa Nineve si Haring Senaquerib.
37 Minsan, nang si Senaquerib ay nananalangin sa templo ng diyos niyang si Nisroc, pinatay siya sa pamamagitan ng tabak ng dalawa niyang anak na sina Adramelec at Sarezer. Pagkatapos, nagtago ang mga ito sa lupain ng Ararat. At si Ezarhadon ang humalili sa kanyang amang si Haring Senaquerib.