5 “Bumalik ka. Sabihin mo kay Ezequias, ang hari ng aking bayan, ‘Narinig ko ang iyong panalangin at nakita ko ang iyong pagluha. Kaya, pagagalingin kita. Sa ikatlong araw, makakapasok ka na sa Templo.
6 Mabubuhay ka pa ng labinlimang taon. Hindi lamang iyan, ililigtas pa kita at ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria. Ipagtatanggol ko ang lunsod na ito alang-alang sa aking karangalan at sa aking pangako kay David na aking lingkod.’”
7 Pagbalik ni Isaias kay Ezequias, iniutos niya sa mga katulong ng hari na tapalan ng katas ng igos ang bukol ng hari upang ito'y gumaling. Ginawa nga nila iyon at siya'y gumaling.
8 Itinanong ni Ezequias kay Isaias, “Ano ang palatandaan na pagagalingin ako ni Yahweh at makakapasok na ako sa Templo pagkalipas ng tatlong araw?”
9 Sumagot si Isaias, “Alin ang mas gusto mong palatandaang ibibigay sa iyo ni Yahweh: ang aninong bumababa o umaakyat ng sampung baytang?”
10 Sumagot si Ezequias, “Madali sa anino ang umakyat kaysa bumabâ ng sampung baytang. Pababain mo ito ng sampung baytang.”
11 Nanalangin si Isaias kay Yahweh at ang anino'y bumabâ ng sampung baytang sa hagdanang inilagay ni Ahaz.