5 Ang lahat ng ginawa ni Jehoiakim ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda.
6 Nang siya'y mamatay, ang anak niyang si Jehoiakin ang humalili sa kanya bilang hari.
7 Hindi na muling lumabas ng kanyang bansa ang hari ng Egipto noon sapagkat lahat ng sakop niya ay sinakop na ng hari ng Babilonia, mula sa Batis ng Egipto hanggang sa Ilog Eufrates.
8 Si Jehoiakin ay labing-walong taóng gulang nang maghari sa Jerusalem at ito'y tumagal nang tatlong buwan. Ang kanyang ina ay si Nehusta na anak ni Elnatan na taga-Jerusalem.
9 Tulad ng kanyang ama, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.
10 Nang panahong iyon, ang Jerusalem ay kinubkob ng mga kawal ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia.
11 Habang ang mga kawal ng Babilonia ay nakapaligid sa lunsod, dumating si Haring Nebucadnezar.