12 Tinawag niya ang katulong niyang si Gehazi at sinabi, “Tawagin mo ang babaing Sunamita.” Tinawag nga nito ang babae at di nagtagal ay dumating ang babae.
13 Sinabi niya sa kanyang katulong, “Sabihin mong pinasasalamatan natin ang pagpapagawa niya ng tuluyan nating ito. Itanong mo kung ano ang maitutulong natin sa kanya bilang ganti sa kaabalahan niya sa atin. Baka may gusto siyang ipasabi sa hari o sa pinuno ng hukbo.”“Wala kayong dapat alalahanin. Nasisiyahan na po kami sa pamumuhay rito sa piling ng aming mga kababayan,” sagot ng babae.
14 Pagkaalis ng babae, tinanong ni Eliseo si Gehazi, “Ano kaya ang maitutulong natin sa kanya?”Sumagot si Gehazi, “Wala po siyang anak at matanda na ang kanyang asawa.”
15 “Tawagin mo siyang muli,” utos ni Eliseo. Kaya't bumalik ang babae at tumayo sa may pintuan.
16 Sinabi sa kanya ni Eliseo, “Isang taon mula ngayon ay mayroon ka nang anak na lalaking kakalungin.”Sinabi ng babae, “Mahal na lingkod ng Diyos, huwag na po ninyo akong paasahin.”
17 Ngunit dumating ang araw at naglihi ang Sunamita. At tulad ng sinabi ni Eliseo, nanganak siya ng isang lalaki makalipas ng halos isang taon mula nang sabihin ito sa kanya.
18 At lumaki ang bata. Isang araw, sumunod ito sa kanyang ama kasama ang iba pang gumagapas sa bukid.