38 Kasalukuyang taggutom sa Gilgal nang magbalik doon si Eliseo. Isang araw, samantalang nakaupo sa paligid niya ang pangkat ng mga propeta, sinabi niya sa kanyang katulong, “Isalang mo ang malaking palayok at ipagluto mo ang mga propetang ito.”
39 Tumayo ang isa sa mga naroon at lumabas ng bukid upang manguha ng gulay. Nakakita siya ng isang ligaw na baging na parang upo at maraming bunga. Kumuha siya ng makakaya niyang dalhin. Pagbabalik niya'y pinagputul-putol ang mga iyon at inilagay sa palayok na nakasalang.
40 Pagkaluto, inihain niya ito ngunit nang tikman nila'y napasigaw sila, “Lingkod ng Diyos, lason po ito!” Hindi nila ito makain.
41 Sinabi ni Eliseo, “Magdala kayo rito ng kaunting harina.” Inabutan nga siya at ito'y ibinuhos sa palayok saka sinabi, “Ihain ninyo ngayon.” Nang kainin nila, wala namang masamang nangyari sa kanila.
42 Isang lalaking taga-Baal-salisa ang lumapit kay Eliseo. May dala siyang bagong aning trigo at dalawampung tinapay na yari sa unang ani niya ng sebada. Sinabi ni Eliseo, “Ihain ninyo iyan sa mga tao.”
43 Sumagot ang kanyang katulong, “Hindi po ito magkakasya sa sandaang katao.”Iniutos niya muli, “Ihain ninyo iyan sa mga tao sapagkat sinabi ni Yahweh: Mabubusog sila at may matitira pa.”
44 At inihain nga nila iyon. Kumain ang lahat at nabusog, at marami pang natira, tulad ng sabi ni Yahweh.