6 Dala rin niya ang sulat para sa hari ng Israel. Ganito ang sabi sa sulat: “Mahal na hari, ang may dala nito'y si Naaman na aking lingkod. Nais ko sanang pagalingin mo siya sa kanyang ketong.”
7 Nang mabasa ito ng hari ng Israel, pinunit niya ang kanyang damit at sinabi, “Ako ba'y Diyos na maaaring pumatay at bumuhay? Bakit sa akin niya pinapunta ang taong ito para pagalingin sa kanyang sakit? Baka naman humahanap lang siya ng dahilan para magdigmaan kami?”
8 Nang mabalitaan ni Eliseo ang ginawa ng hari, ipinasabi niya, “Bakit kayo nababahala? Papuntahin ninyo siya sa akin upang malaman nilang may propeta rito sa Israel.”
9 Nalaman ito ni Naaman kaya sumakay siya sa kanyang karwahe, at pumunta sa bahay ni Eliseo, kasama ang marami niyang kawal na nakasakay sa kabayo at mga karwahe.
10 Ipinasabi sa kanya ni Eliseo: “Pumunta ka sa Ilog Jordan. Lumubog ka ng pitong beses at magbabalik sa dati ang iyong katawan. Gagaling ang iyong ketong.”
11 Nang marinig ito, galit na umalis si Naaman. Sinabi niya, “Akala ko pa nama'y sasalubungin niya ako, tatayo sa harap ko, tatawagan ang Diyos niyang si Yahweh, at ikukumpas ang kanyang mga kamay sa tapat ng aking ketong at ako'y pagagalingin.
12 At bakit hindi na lang sa mga ilog ng Damasco tulad ng Abana at ng Farfar na mas malinis kaysa alinmang ilog sa Israel? Hindi ba puwedeng doon na lang ako maligo para gumaling?”