10 At pinabantayan nga ng hari ng Israel ang mga lugar na sinabi ni Eliseo. Maraming beses na sinabi sa kanya ni Eliseo tungkol sa balak na pagsalakay ng mga taga-Siria. At lahat ng lugar na sabihin sa kanya'y pinalalagyan ng mga bantay.
11 Dahil dito, labis na nabahala ang hari ng Siria. Kaya, tinipon niya ang kanyang mga tauhan at tinanong, “Magsabi kayo ng totoo. Sino sa inyo ang nakikipagsabwatan sa hari ng Israel?”
12 Isa sa mga naroon ang sumagot, “Wala po, mahal na hari. Si Eliseo po, ang propeta sa Israel ang nagsasabi sa kanilang hari kahit ang inyong mga lihim na binabalak.”
13 Sinabi niya, “Kung ganoon, hanapin ninyo siya at hulihin.”May nagsabi sa kanyang si Eliseo ay nasa Dotan,
14 kaya nagpadala siya roon ng maraming kawal na sakay ng mga karwahe at kabayo. Gabi na nang dumating sila roon at pinaligiran nila ang lunsod.
15 Kinabukasan ng umaga, lumabas ang katulong ni Eliseo at nakita niya ang maraming kawal, ang mga kabayo at karwaheng nakapaligid sa lunsod. Sinabi niya, “Guro, paano tayo ngayon?”
16 Sinabi ni Eliseo, “Huwag kang matakot. Mas marami tayong kakampi kaysa kanila.”