20 Pagpasok nila sa lunsod, nanalangin si Eliseo, “Yahweh, buksan na po ninyo ang kanilang paningin nang sila'y makakita.” Binuksan nga ni Yahweh ang paningin ng mga taga-Siria at nagulat sila nang makita nilang sila'y nasa loob ng Samaria.
21 Nang makita sila ng hari ng Israel, dalawang beses nitong itinanong kay Eliseo, “Papatayin ko po ba sila?”
22 Sumagot siya, “Huwag, mahal na hari. Hindi nga ninyo pinapatay ang mga nabibihag ninyo sa digmaan. Sila pa kaya? Sa halip, pakanin ninyo sila at painumin, pagkatapos ay pabalikin sa kanilang hari.”
23 Nagpahanda ng maraming pagkain ang hari ng Israel at pinakain ang mga bihag na taga-Siria, saka pinauwi sa kanilang hari. Mula noon, hindi na muling sumalakay ang mga taga-Siria sa lupain ng Israel.
24 Hindi nagtagal, tinipon ni Ben-hadad, hari ng Siria ang kanyang buong hukbo at kinubkob ang Samaria.
25 Dahil dito'y nagkaroon ng taggutom sa Samaria. Ang isang ulo ng asno ay nagkahalaga ng walumpung pirasong pilak at limang pirasong pilak naman ang kalahating litro ng dumi ng kalapati.
26 Minsan, nang naglalakad ang hari ng Israel sa ibabaw ng pader ng lunsod, tinawag siya ng isang babae, “Mahal na hari, tulungan po ninyo ako!”