27 Sinabi niya, “Kung hindi ka tutulungan ni Yahweh, paano nga kita matutulungan? Wala naman akong trigo o katas ng ubas.
28 Ano bang problema mo?” tanong sa kanya ng hari.Sumagot ang babae, “Napag-usapan po namin ng babaing ito na iluto namin ang aking anak para may makain kami ngayon. Bukas, ang anak naman niya ang kakainin namin.
29 Kaya naman po iniluto namin ang aking anak at kinain. Nang hingin ko na po ang kanyang anak para iluto, itinago po niya at ayaw niyang ibigay.”
30 Nang marinig ito, pinunit ng hari ang kanyang damit. Nakita ng mga taong malapit sa pader na nakasuot pala siya ng damit-sako na nakapailalim sa kanyang kasuotan bilang tanda ng matinding kalungkutan.
31 Sinabi niya, “Patayin sana ako ng Diyos kapag ngayong maghapo'y hindi ko napapugutan ng ulo si Eliseo na anak ni Safat!”
32 Kaya't inutusan niya ang kanyang lingkod na kunin si Eliseo.Samantala, si Eliseo naman ay nasa kanyang bahay at kausap ng pinuno ng Israel. Papunta naman doon ang lalaking inutusan ng hari. Hindi pa ito nakakarating doon ay sinabi na ni Eliseo sa matatandang pinuno, “Tingnan ninyo at papupugutan pa ako ng mamamatay-taong iyon. Pagdating niya rito, isara ninyo ang pinto at bayaan siya sa labas. Kasunod na rin niya ang hari.”
33 Hindi pa halos natatapos ang sinasabi ni Eliseo ay dumating ang hari. Sinabi nito, “Ang paghihirap nating ito'y padala ni Yahweh. Bakit ko pa hihintayin ang gagawin ni Yahweh bago ako kumilos?”