2 Mga Hari 7:6-12 RTPV05

6 sapagkat sa kapangyarihan ni Yahweh, ang mga kawal ng Siria ay nakarinig ng mga yabag ng napakaraming kabayo at mga karwahe. Dahil dito, inakala nilang inupahan ng hari ng Israel ang mga hari ng Heteo at Egipcio para digmain sila.

7 Kaya't tumakas sila nang magtatakip-silim. Iniwan nila ang kanilang kampo, pati mga kabayo, asno at lahat ng naroon at kanya-kanya silang takbo para iligtas ang kanilang buhay.

8 Pumasok ang apat sa unang tolda. Kumain sila at uminom. Pagkabusog, sinamsam nila ang lahat ng ginto, pilak at mga damit na naroon at ito'y itinago. Pagkatapos, pumasok din sila sa ibang tolda, sinamsam din ang lahat ng naroon at itinago.

9 Ngunit naisip nila, “Hindi tama itong ginagawa natin. Magandang balita ito at hindi natin dapat sarilinin. Hindi natin ito dapat ipagpabukas sapagkat tiyak na mapaparusahan tayo. Ang mabuti'y ipaalam na natin ito sa mga opisyal ng hari.”

10 At lumakad nga sila. Pagdating sa pasukan ng lunsod, sinabi nila sa mga bantay, “Galing kami sa kampo ng mga taga-Siria at isa mang bantay ay wala kaming dinatnan. Ang nakita lang namin ay mga kabayong nakatali, asno at mga tolda.”

11 Isinigaw naman ito ng mga bantay hanggang sa ang balita'y makarating sa palasyo.

12 Nang gabing iyon ay bumangon ang hari at tinipon ang pinuno ng Israel. Sinabi niya, “Pain lang ito ng mga taga-Siria. Alam nilang nagkakagutom tayo rito kaya iniwan nila ang kampo at nagtago sa paligid. Pagpasok natin doon, huhulihin nila tayo nang buháy. Sa ganoong paraan, mapapasok nila itong ating lunsod.”