7 Si Eliseo ay pumunta sa Damasco at noon ay may sakit si Haring Ben-hadad ng Siria. Nang mabalitaan niyang nasa Damasco si Eliseo,
8 inutusan niya si Hazael na magdala ng mga regalo at makipagkita kay Eliseo, ang propeta ng Diyos, upang itanong kay Yahweh kung gagaling pa siya o hindi.
9 Lumakad si Hazael upang makipagkita kay Eliseo. Karga ng apatnapung kamelyo, dala niya ang iba't ibang magagandang regalo na produkto ng Damasco. Pagdating kay Eliseo, sinabi niya, “Inutusan po ako ng lingkod ninyong si Ben-hadad upang alamin kay Yahweh kung gagaling pa ang hari o hindi.”
10 Ang sagot ni Eliseo, “Bumalik ka sa kanya at sabihin mong gagaling siya ngunit ipinaalam sa akin ni Yahweh na mamamatay siya.”
11 At tinitigan niyang mabuti si Hazael hanggang sa ito'y mapahiya. Napaiyak si Eliseo.
12 Nang itanong ni Hazael kung bakit siya umiiyak, sinabi ni Eliseo, “Sapagkat alam kong gagawan mo ng malaking kasamaan ang buong Israel. Susunugin mo ang kanilang mga kuta, papatayin mo ang mga kabataang lalaki, duduruging parang abo ang mga bata at bibiyakin mo ang tiyan ng mga buntis.”
13 “Paano ko magagawa ang kakila-kilabot na bagay na iyan? Ako'y isang hamak na alipin lamang.” sagot ni Hazael.Sinabi ni Eliseo, “Ipinahayag sa akin ni Yahweh na ikaw ay magiging hari ng Siria.”