6 Pagkalipas ng ilang taon, ang hari ng Egipto ay makikipagkasundo sa hari ng Siria at ipakakasal sa kanya ang anak nitong babae. Ngunit ang pagkakasundo ay di magtatagal. Siya, ang kanyang asawa't anak at ang mga lingkod na sumama sa kanya ay papataying lahat.
7 “Hindi magtatagal at isa sa kanyang mga kamag-anak ang magiging hari. Sisirain nito ang tanggulan ng kaharian sa hilaga. Papasukin niya ito at siya'y magtatagumpay.
8 Sasamsamin din niya at iuuwi sa Egipto ang kanilang mga diyus-diyosan, pati ang mga kagamitang pilak at ginto. Pagkalipas noon, hindi na niya muling sasalakayin ang kaharian sa hilaga sa loob ng maraming taon.
9 At sila naman ang sasalakayin ng mga taga-hilaga. Madadaig sila ngunit babalik din ang mga iyon sa kanilang lupain.
10 “Ang mga anak ng hari ng Siria ay magtitipon ng maraming kawal at maghahanda sa pakikipagdigma. Parang baha na sasalakayin ng isa sa kanila ang tanggulan ng hari ng Egipto.
11 Dahil dito, galit na haharapin sila ng hari ng Egipto, kasama ang marami nitong kawal na lulupig sa kanila.
12 Bunga nito, magiging palalo ang hari ng Egipto dahil sa libu-libong kawal na napatay niya, ngunit hindi magtatagal ang kanyang pagtatagumpay.