43 Ang kahulugan ng pinagsamang bakal at putik ay pag-aasawa ng magkakaibang lahi; ngunit hindi ito magtatagal kung paanong hindi maaaring paghaluin ang bakal at putik.
44 Sa panahon ng mga haring iyon, ang Diyos sa kalangitan ay magtatatag ng isang kahariang hindi maibabagsak kailanman, ni masasakop ninuman. Dudurugin nito at ganap na wawasakin ang iba pang kaharian, at mananatili ito magpakailanman. Kaya't hindi na makakabangon ang mga iyon kahit kailan.
45 Katulad ito ng inyong nakitang tipak ng bato na dumurog sa rebultong yari sa bakal, putik, tanso, pilak, at ginto. Mahal na hari, ang mangyayari sa hinaharap ay ipinapaalam na sa inyo ng dakilang Diyos. Ito po ang inyong panaginip at tiyak ang kahulugan nito.”
46 Yumukod si Haring Nebucadnezar na lapat ang mukha sa lupa at nagbigay galang kay Daniel. Pagkatapos, iniutos niyang handugan ito ng insenso at iba pang alay.
47 Sinabi niya kay Daniel, “Tunay na ang Diyos mo ang pinakadakila sa lahat ng mga diyos at Panginoon ng mga hari. Siya ang tagapagpahayag ng mga hiwaga kaya naipahayag mo ang hiwagang ito.”
48 Pinarangalan ng hari si Daniel at binigyan ng napakaraming handog. Siya ay ginawa nitong tagapamahala sa buong lalawigan ng Babilonia at pinuno ng lahat ng mga tagapayo ng Babilonia.
49 Hiniling naman ni Daniel sa hari na sina Shadrac, Meshac at Abednego ay gawing tagapangasiwa sa Babilonia upang siya'y makapanatili sa palasyo ng hari.