17 Ito ang hatol ng mga bantay na anghel upang malaman ng lahat na ang buong daigdig ay sakop ng Kataas-taasang Diyos. Maaari niyang gawing hari ang sinumang nais niya, kahit na ang pinakaabang tao.’
18 “Ito ang panaginip ko, Beltesazar. Ipaliwanag mo ito sa akin. Ito'y hindi naipaliwanag ng mga tagapayo ng Babilonia ngunit naniniwala akong kayang-kaya mo, sapagkat sumasaiyo ang espiritu ng mga banal na diyos.”
19 Si Daniel, na tinatawag na Beltesazar ay nabahala at hindi agad nakapagsalita. Sinabi sa kanya ng hari, “Beltesazar, huwag kang mabahala kung anuman ang kahulugan ng aking panaginip.”Sumagot si Daniel, “Mahal na hari, sa mga kaaway nawa ninyo mangyari ang inyong panaginip.
20 Ang lumaking punongkahoy na nakita ninyo sa panaginip, tumaas hanggang langit at kitang-kita ng buong daigdig,
21 may makapal na dahon at maraming bungang makakain ng lahat, sinisilungan ng mga hayop at pinamumugaran ng mga ibon,
22 ay kayo po. Kayo ang lumakas at lumaking puno na abot sa langit na ang nasasakop ay hanggang sa magkabilang panig ng daigdig.
23 Ang bantay na inyong nakita ay isang anghel mula sa langit. Sinabi niyang ibubuwal ang punongkahoy at sisirain ngunit iiwan ang tuod nito at lalagyan ng tanikalang bakal at tanso. Sinabi pa niyang ito'y pababayaang mabasa ng hamog, at makakasama siya ng mga hayop sa parang at paparusahan sa loob ng pitong taon.