25 Itataboy kayo sa parang at doon kayo maninirahang kasama ng mga hayop. Kakain kayo ng damo, tulad ng baka. Sa kaparangan kayo maninirahan at pitong taóng paparusahan hanggang sa kilalanin ninyong ang kaharian ng tao'y nasa ilalim ng kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos, at maibibigay niya ang kahariang ito sa sinumang kanyang naisin.
26 Ganito naman ang kahulugan ng tuod na naiwan sa lupa: Maghahari kayong muli sa sandaling kilalanin ninyo na lahat ng tao'y nasa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos.
27 Kaya, mahal na hari, dinggin po ninyo itong ipapayo ko. Tigilan na ninyo ang inyong kasamaan at magpakabuti na kayo. Huwag po kayong maging malupit sa mahihirap na mamamayan upang manatiling payapa ang inyong buhay.”
28 Lahat ng ito'y naganap sa buhay ni Haring Nebucadnezar.
29 Lumipas ang labindalawang buwan mula nang ipaliwanag ni Daniel ang panaginip. Minsan, namamasyal ang hari sa hardin sa bubong ng kanyang palasyo sa Babilonia.
30 Sinabi niya, “Talagang dakila na ang Babilonia. Ako ang nagtatag nito upang maging pangunahing lunsod at maging sagisag ng aking karangalan at kapangyarihan.”
31 Hindi pa siya natatapos sa pagsasalita nang isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Haring Nebucadnezar, pakinggan mo ito: Aalisin na sa iyo ang kaharian.