14 Nabalitaan kong sumasaiyo ang espiritu ng mga banal na diyos. Mayroon ka raw pambihirang talino at karunungan.
15 Ang sulat na ito ay ipinabasa ko na sa mga tagapayo at mga enkantador upang ipaliwanag sa akin, ngunit hindi nila ito nagawa.
16 Nabalitaan ko na marunong kang magpaliwanag ng mga panaginip at lumutas ng mga palaisipan. Ngayon, kung mababasa mo at maipapaliwanag ang sulat na ito, bibihisan kita ng damit na kulay ube, kukuwintasan kita ng ginto at gagawing ikatlo sa kapangyarihan sa aking kaharian.”
17 Sinabi ni Daniel sa hari, “Mahal na hari, huwag na po ninyo akong bigyan ng anuman; ibigay na lang po ninyo sa iba ang sinasabi ninyong gantimpala. Babasahin ko na lamang po at ipapaliwanag ang nakasulat.
18 “Mahal na hari, ang inyong amang si Nebucadnezar ay binigyan ng Kataas-taasang Diyos ng isang kaharian. Niloob ng Diyos na siya'y maging makapangyarihan at binigyan siya ng karangalan.
19 Dahil sa kapangyarihang iyon, lahat ng tao sa bawat bansa at wika ay nanginig at natakot sa harapan niya. Ipinapapatay niya ang gusto niyang ipapatay at inililigtas niya sa kamatayan ang nais niyang iligtas. Itinataas niya sa tungkulin ang gusto niyang itaas at ibinababâ naman ang gusto niyang ibaba.
20 Ngunit nang siya'y naging palalo, matigas ang ulo at pangahas, inalis siya sa pagiging hari at nawala ang kanyang karangalan.