18 O Diyos ko, pakinggan po ninyo kami. Masdan ninyo ang masaklap naming kalagayan at ang pagkawasak ng lunsod na nagtataglay ng inyong pangalan. Lumalapit po kami sa inyo hindi dahil sa kami'y matuwid kundi dahil sa kayo'y mahabagin.
19 Dinggin po ninyo kami, O Panginoon; patawarin po ninyo kami, O Panginoon; kahabagan po ninyo kami, O Panginoon. Alang-alang sa inyo, aking Diyos, huwag na po kayong mag-atubili, yamang ang inyong lunsod at ang inyong sambayanan ay nakatatag sa ibabaw ng inyong kapangyarihan.”
20 Habang ako'y nananalangin at ipinapahayag ko ang aking kasalanan at ang kasalanan ng bayan kong Israel, nakikiusap ako Yahweh, aking Diyos, alang-alang sa banal na bundok ng aking Diyos,
21 ang anghel na si Gabriel, na nakita ko sa aking unang pangitain, ay mabilis na lumipad palapit sa akin sa oras ng paghahandog sa gabi.
22 Sinabi niya, “Daniel, naparito ako para bigyan ka ng karunungan at pang-unawa.
23 Sa simula pa lamang ng iyong pakikiusap ay tinugon ka na ng Diyos. Labis ka niyang minamahal. Naparito ako para sabihin sa iyo ang kanyang tugon, kaya makinig ka upang maunawaan mo ang pangitain.
24 “Pitumpung linggo ang panahong palugit sa iyong sambayanan at sa banal na lunsod upang tigilan ang pagsuway, wakasan ang kasamaan, at pagbayaran ang kasalanan. Pagkatapos, maghahari na ang walang hanggang katarungan, magaganap ang kahulugan ng pangitain at ang pahayag; itatalaga na rin ang Kabanal-banalan.