2 Akong si Daniel ay nagbabasa ng mga aklat upang alamin ang kahulugan ng pitumpung taóng pagkawasak ng Jerusalem ayon sa sinabi ni Yahweh kay Propeta Jeremias.
3 Dahil dito, buong taimtim akong nanalangin at nakiusap sa Panginoong Diyos. Nag-ayuno ako, nagsuot ng damit-panluksa at naupo sa abo.
4 Nanalangin ako kay Yahweh na aking Diyos at inihingi ko ng kapatawaran ang mga kasalanan ng aking mga kababayan. Ganito ang sinabi ko:“O Panginoon, dakila at Kamangha-manghang Diyos na laging tapat sa kasunduan at tunay na nagmamahal sa mga umiibig sa inyo at sumusunod sa inyong mga utos.
5 Nagkasala po kami at nagpakasama. Naghimagsik po kami at sumuway sa inyong mga tuntunin at utos.
6 Hindi kami nakinig sa inyong mga lingkod na propeta na binigyan ninyo ng kapangyarihang magpahayag sa aming mga hari, pinuno, magulang at sa buong bayan.
7 Panginoon, lagi po kayong nasa katuwiran at kami hanggang ngayo'y nasa kahihiyan, gayundin po ang buong Juda at Jerusalem, ang buong Israel, pati ang mga ipinatapon ninyo sa iba't ibang dako dahil sa kanilang kataksilan.
8 Kami po, O Yahweh, ang aming mga hari, pinuno at magulang ay nahihiya sapagkat nagkasala kami sa inyo.