2 Ginagawa ko ang mga kababalaghang ito upang masabi ninyo sa inyong mga anak at apo kung paano ko ipinakita sa mga Egipcio ang aking kapangyarihan at sa gayo'y kikilalanin ninyong lahat na ako si Yahweh.”
3 Pumunta sa Faraon sina Moises at Aaron at sinabi, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Hanggang kailan ka ba magmamatigas? Payagan mo nang umalis ang mga Israelita upang sumamba sa akin.
4 Kapag hindi mo pa sila pinayagan, bukas na bukas din ay magpapadala ako ng makapal na balang sa iyong bansa.
5 Mapupuno nito ang buong Egipto, kaya't wala kang makikita kundi balang. Uubusin nito ang lahat ng hindi nasira sa pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo, pati ang mga punongkahoy.
6 Papasukin ng mga ito ang iyong palasyo at ang bahay ng iyong mga tauhan at mga nasasakupan. Ang salot na ito ay higit na matindi kaysa alinmang salot ng balang na naranasan ng inyong mga ninuno.’” Pagkasabi nito'y umalis si Moises.
7 Sinabi sa Faraon ng kanyang mga tauhan, “Hanggang kailan pa kaya tayo guguluhin ng taong ito? Payagan na ninyo silang umalis upang sumamba sa Diyos nilang si Yahweh. Hindi ba ninyo nakikitang nawawasak na ang buong Egipto?”
8 Kaya't ipinasundo ng Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi niya, “Kung papayagan ko kayong umalis upang sumamba kay Yahweh, sinu-sino ang inyong isasama?”