2 Ang mga Israelita'y nagreklamo kina Moises at Aaron.
3 Sinabi nila, “Mabuti pa sana'y pinatay na kami ni Yahweh sa Egipto. Doon, nakakakain kami ng karne at tinapay hanggang gusto namin. Dito naman sa ilang na pinagdalhan ninyo sa amin, mamamatay kami sa gutom.”
4 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pauulanan ko kayo ng tinapay mula sa langit. Araw-araw, palalabasin mo ng bahay ang mga tao para mamulot ng kakainin nila sa maghapon. Sa pamamagitan nito'y susubukin ko kung susunod sila sa aking mga tagubilin.
5 Tuwing ikaanim na araw, doble sa karaniwan ang kanilang pupulutin at ihahanda.”
6 Pagkatapos ng pakikipag-usap nila kay Yahweh, sinabi nina Moises at Aaron sa mga Israelita, “Mamayang gabi, mapapatunayan ninyo na si Yahweh ang naglabas sa inyo sa Egipto.
7 At bukas ng umaga, makikita ninyo ang kanyang kapangyarihan. Narinig niya ang inyong reklamo laban sa kanya. Laban sa kanya, sapagkat tuwing gagawin ninyo ito ay sa kanya kayo nagrereklamo, hindi sa amin.”
8 Idinugtong pa ni Moises, “Mamayang gabi, bibigyan niya kayo ng karne. Bukas ng umaga ay tinapay ang ibibigay niya sa inyo hanggang gusto ninyo. Iyan ang sagot niya sa inyo. Ang totoo, anumang reklamo ninyo ay laban sa kanya, hindi sa amin, sapagkat sino ba kami para pagreklamuhan ninyo?”