21 Mula noon, tuwing umaga'y namumulot sila nang ayon sa kanilang kailangan. Pag-init ng araw, ito'y natutunaw.
22 Nang ikaanim na araw, doble ang kanilang pinulot, isang salop para sa isang tao. Nagpunta kay Moises ang mga pinuno ng bayan at sinabi ang nangyari.
23 Ipinaliwanag naman ni Moises sa kanila, “Ito ang utos ni Yahweh: ‘Bukas ay Araw ng Pamamahinga, araw na nakatalaga kay Yahweh. Lutuin na ninyo ngayon ang gusto ninyong lutuin. Ang hindi mauubos ay itira ninyo para bukas.’”
24 Tulad ng sinabi sa kanila ni Moises, nagtira sila para sa kinabukasan, at iyo'y hindi nasira at hindi inuod.
25 At sinabi ni Moises, “Ito ang kakainin ninyo ngayon. Ngayon ay Araw ng Pamamahinga; wala kayong makukuha niyan ngayon.
26 Anim na araw kayong mamumulot niyan; ngunit sa ikapito, sa Araw ng Pamamahinga, ay wala kayong makukuha.”
27 Ngunit nang ikapitong araw ay mayroon pa ring mga lumabas sa bukid para mamulot ngunit wala silang nakuha.