17 Pagkatapos, katayin mo ang tupa, hugasan ang mga laman-loob nito pati ang mga paa, at ipatong mo ito sa altar kasama ang ibang bahagi nito at ang ulo.
18 Sunugin mo ang mga ito sa altar upang ang usok nito'y maging mabangong samyo para kay Yahweh.
19 “Kunin mo ang isa pang tupa at ipapatong din sa ulo nito ang kamay ni Aaron at ng kanyang mga anak.
20 Patayin mo ang tupa at sahurin ang dugo. Pahiran mo nito ang lambi ng kanang tainga ni Aaron at ng kanyang mga anak at ang hinlalaki ng kanang kamay at paa. Ang dugong matitira ay iwisik mo sa lahat ng gilid ng altar.
21 Kumuha ka ng kaunting dugo sa altar at kaunting langis na pantalaga. Iwisik mo ito kay Aaron at sa kanyang mga anak, pati sa kanilang kasuotan. Sa ganitong paraan, siya at ang kanyang mga anak pati ang kanilang kasuotan ay nakalaan para kay Yahweh.
22 “Kunin mo ang taba ng tupa: ang taba sa buntot, ang tabang nakabalot sa laman-loob, ang taba ng atay, ang dalawang bato kasama ang taba at ang kanang hita.
23 Kumuha ka ng isang tinapay, isang tinapay na hinaluan ng langis, at isang manipis na tinapay. Ang mga tinapay na ito ay walang pampaalsa at nakalagay sa basket na nasa altar ni Yahweh.