9 Sinabi niya, “Kung talagang kinalulugdan ninyo ako, isinasamo kong samahan ninyo kami kahit na po matigas ang ulo ng lahing ito. Patawarin na ninyo kami at tanggapin bilang inyong bayan.”
10 Sinabi ni Yahweh, “Makikipagkasundo akong muli sa bayang Israel. Sa harapan nilang lahat ay gagawa ako ng mga himalang hindi pa nangyayari sa daigdig kahit kailan. Dahil dito, makikita ng mga Israelita kung gaano ako kadakila.
11 Sundin ninyo ang mga iniutos ko ngayon at palalayasin ko sa pupuntahan ninyo ang mga Amoreo, Cananeo, Heteo, Perezeo, Hivita at mga Jebuseo.
12 Huwag kayong gagawa ng kasunduan sa mga daratnan ninyo roon sapagkat iyon ang magiging patibong na ikapapahamak ninyo.
13 Sa halip, sirain ninyo ang kanilang mga altar, durugin ninyo ang mga batong ginagamit nila sa kanilang pagsamba at ibuwal ang mga haliging kinikilala nilang sagrado.
14 “Huwag kayong sasamba sa ibang diyos sapagkat akong si Yahweh ay mapanibughuing Diyos.
15 Huwag kayong gagawa ng kasunduan sa mga tagaroon. Baka mahikayat nila kayong kumain ng mga handog sa kanilang mga diyus-diyosan kapag sila'y sumasamba sa mga ito.